8:13 PM
nagkatawang tao ang diyos | Pinatototohanan mo na nagbalik na ang Panginoon Jesus bilang ang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao, na i

Sagot:

Napakahalaga ng tanong na ito. Para matanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at makita ang pagpapakita ng Diyos, kailangan nating malaman kung paano matutukoy ang tinig ng Diyos. Sa katunayan, ang ibig sabihin ng pagtukoy sa tinig ng Diyos ay pagkilala sa mga salita at binibigkas ng Diyos at pagkilala sa mga katangian ng mga salita ng Lumikha. Mga salita man ito ng Diyos na naging tao, o mga binigkas ng Espiritu ng Diyos, lahat ay pawang mga salitang sinambit ng Diyos sa sangkatauhan mula sa kaitaasan. Ganyan ang tono at mga katangian ng mga salita ng Diyos. Malinaw na ipinapakita ang awtoridad at identidad ng Diyos. Masasabi rin na ito ang natatanging paraan ng pagsasalita ng Lumikha. Talagang malawak ang saklaw ng mga binigkas ng Diyos tuwing Siya’y nagiging tao. Ang mga ito una sa lahat ay nauugnay sa mga hinihiling at babala ng Diyos sa tao, ang mga salita ng batas at kautusan ng pamamahala ng Diyos, ang Kanyang mga salita ng paghatol at pagkastigo, at ang Kanyang paghahayag tungkol sa tiwaling sangkatauhan. Mayroon ding mga salita ng mga propesiya at ng mga pangako ng Diyos sa sangkatauhan at iba pa. Ang mga salitang ito ay pawang pagpapahayag ng katotohanan, ng daan, at ng buhay. Lahat ng iyon ay paghahayag ng diwa ng buhay ng Diyos. Kumakatawan ang mga ito sa disposisyon ng Diyos at sa lahat ng mayroon ang Diyos at kung ano Siya. Nakikita natin mula sa mga salitang ipinahayag ng Diyos na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan, at may awtoridad, at kapangyarihan. Kaya, kung gusto ninyong matiyak kung tinig nga ng Diyos ang mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos, maaari ninyong tingnan ang mga salita ng Panginoong Jesus at ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Maaari ninyong paghambingin ang mga ito, at tingnan kung mga salita nga ito na ipinahayag ng iisang Espiritu, at kung gawain nga ito na ginawa ng iisang Diyos. Kung pareho ang pinagmulan ng mga ito, pinatutunayan nito na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay mga binigkas ng Diyos, at ang Makapangyarihang Diyos ay ang pagpapakita ng Diyos. Tingnan natin ang mga salitang sinambit ni Jehova noong Kapanahunan ng Kautusan, at ang mga salita ng Panginoong Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya. Ang mga ito ay kapwa direktang pagpapahayag ng Banal na Espiritu, at, bukod pa roon, ang mga ito’y gawain ng iisang Diyos. Pinatutunayan nito na ang Panginoong Jesus ay ang pagpapakita ng Diyos na si Jehova, ang pagpapakita ng Lumikha. Alam ng lahat ng nakabasa ng Biblia na sa mga salitang ipinahayag ng Panginoong Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya, may mga salita ng babala, mga salita tungkol sa mga hinihiling ng Diyos sa tao, at mga salitang bumanggit sa mga batas ng pamamahala ng Diyos. Mayroon ding mga salita ng maraming propesiya at pangako. Lahat ng iyon ay isang kumpletong yugto ng gawaing isinagawa ng Diyos noong Kapanahunan ng Biyaya.

Naririnig ng mga tupa ng Diyos ang Kanyang tinig. Pagdating sa kung paano partikular na matutukoy ang tinig ng Diyos, magiging malinaw ang lahat kung titingnan natin ang mga salita ng Panginoong Jesus. Una, titingnan natin ang mga hinihiling at babala ng Panginoong Jesus sa tao. Halimbawa, sabi ng Panginoong Jesus:, “Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit” (Mateo 4:17). “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. Ito ang dakila at pangunang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta” (Mateo 22:37–40). Sinabi rin ng Panginoong Jesus: “Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka’t kanila ang kaharian ng langit. … Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran: sapagka’t sila’y bubusugin. … Mapapalad ang mga pinaguusig dahil sa katuwiran: sapagka’t kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo pagka kayo’y inaalimura, at kayo’y pinaguusig, at kayo’y pinagwiwikaan ng sarisaring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin. Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo: sapagka’t malaki ang ganti sa inyo sa langit” (Mateo 5:3, 6, 10–12).

Tingnan natin ang sinabi ng Panginoong Jesus tungkol sa mga batas ng pamamahala. Sa Mateo 12:31–32, sabi ng Panginoong Jesus: “Kaya’t sinasabi ko sa inyo, Ang bawa’t kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwa’t ang kapusungang laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad. At ang sinomang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kaniya; datapuwa’t ang sinomang magsalita laban sa Espiritu Santo, ay hindi ipatatawad sa kaniya, kahit sa sanglibutang ito, o maging sa darating.” Gayon din, sa Mateo 5:22, sabi ng Panginoong Jesus: “Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, na ang bawa’t mapoot sa kaniyang kapatid ay mapapasa panganib sa kahatulan; at ang sinomang magsabi sa kaniyang kapatid, Raca, ay mapapasa panganib sa Sanedrin; at ang sinomang magsabi, Ulol ka, ay mapapasa panganib sa impierno ng apoy.”

Dagdag pa sa mga salitang ito ng mga batas ng pamamahala, may mga salita rin ang Panginoong Jesus na nanghuhusga at naglalantad sa mga Fariseo. Sabi ng Panginoong Jesus: “Datapuwa’t sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka’t sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka’t kayo’y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok” (Mateo 23:13). “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka’t inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong makakampi; at kung siya’y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impierno kay sa inyong sarili” (Mateo 23:15).

Bumanggit din ng ilang salita ng mga propesiya at pangako ang Panginoong Jesus sa tao. Sa Juan 14:2–3, sabi ng Panginoong Jesus: “Ako’y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.” Nariyan din ang Juan 12:47–48, kung saan sinabi rin ng Panginoong Jesus: “At kung ang sinomang tao’y nakikinig sa aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi ko siya hinahatulan: sapagka’t hindi ako naparito upang humatol sa sanglibutan, kundi upang iligtas ang sanglibutan. Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya’y hahatol sa huling araw.” Nariyan din ang Pahayag 21:3–4: “Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila. At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.”

Mula sa iba’t ibang katotohanang ipinahayag ng Panginoong Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya, makikita natin na ang Panginoong Jesus ay ang pagpapakita ng Tagapagligtas, at na ang mga salita ng Panginoong Jesus ay mga binigkas ng Diyos sa buong sangkatauhan. Direkta Niyang ipinahayag ang disposisyon ng Diyos at ang Kanyang kalooban para sa sangkatauhan, para pamunuan ang sangkatauhan, para maglaan sa sangkatauhan, at personal na tubusin ang sangkatauhan. Lubos itong kumakatawan sa pagkakakilanlan at awtoridad ng Diyos Mismo. Ang agarang pagbabasa nito ay nagpapadama sa atin na ang mga salitang ito ay totoo, at may taglay na awtoridad at kapangyarihan. Ang mga salitang ito ay tinig ng Diyos, mga binigkas ng Diyos sa sangkatauhan. Sa mga huling araw, nagbalik na ang Panginoong Jesus: pumarito ang Makapangyarihang Diyos para gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Kaharian, at winakasan ang Kapanahunan ng Biyaya. Batay sa gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus, Natapos ng Makapangyarihang Diyos ang yugto ng gawain ng paghatol simula sa tahanan ng Diyos, at ipinahayag na ang lahat ng katotohanan para mapadalisay at mailigtas ang sangkatauhan. Ang mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay puno ng laman, at lubos na malawak ang saklaw. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Makatarungang sabihin na ito ang unang pagkakataon mula sa paglikha na kinausap ng Diyos ang buong sangkatauhan. Hindi kailanman nangusap ang Diyos sa nilikhang sangkatauhan nang ganito kadetalyado at napakaayos. Siyempre, ito rin ang unang pagkakataon na marami Siyang sinabi, at napakahaba, sa buong sangkatauhan. Ito ay ganap na walang katulad. Bukod pa riyan, ang mga pagbigkas na ito ang unang tekstong ipinahayag ng Diyos sa sangkatauhan kung saan inilantad, ginabayan, at hinatulan Niya ang mga tao, at nagsalita Siya nang tapatan sa kanila, kaya ito rin ang unang mga pagbigkas kung saan ipinaalam ng Diyos sa mga tao ang Kanyang mga yapak, ang lugar kung saan Siya namamalagi, ang disposisyon ng Diyos, kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, ang mga kaisipan ng Diyos, at ang pag-aalala Niya para sa sangkatauhan. Masasabi na ang mga ito ang mga unang pagbigkas na ipinahayag ng Diyos sa sangkatauhan na nagmula sa ikatlong langit simula noong paglikha, at ang unang pagkakataon na nagamit ng Diyos ang Kanyang likas na identidad upang magpakita at ipahayag ang tinig ng Kanyang puso sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga salita” (Panimula sa Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Ang mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay malawak at na walang katulad ang yaman. Sa mga iyon, naroon higit sa lahat ang paghatol, paghahayag sa tao, at mga batas at kautusan ng pamamahala sa Kapanahunan ng Kaharian, gayon din ang mga babala, hinihiling, at pangako ng Diyos sa tao, at mga propesiya rin. Basahin muna natin ang ilang talata ng mga salita ng Diyos tungkol sa mga babala at hinihiling ng Diyos sa tao at sa Kanyang gawain.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ngayon, yaong may tunay na pag-ibig sa Akin, ang mga taong gaya nito ay mapalad; mapalad yaong mga nagpapasakop sa Akin, sila ay tiyak na mananatili sa Aking kaharian; mapalad yaong mga nakakakilala sa Akin, sila ay tiyak na hahawak ng kapangyarihan sa Aking kaharian; mapalad yaong mga naghahangad sa Akin, tiyak na makaliligtas sila mula sa mga gapos ni Satanas at matatamasa nila ang pagpapala sa Akin; mapalad yaong mga kayang talikuran ang kanilang mga sarili, tiyak na papasok sila sa Aking nasasakupan, at mamanahin ang gantimpala ng Aking kaharian. Aalalahanin Ko yaong mga gumagawa para sa Aking kapakanan, yayakapin Ko nang may kagalakan yaong mga gumugugol para sa Aking kapakanan, bibigyan Ko ng mga kasiyahan yaong mga naghahandog sa Akin. Pagpapalain Ko yaong mga nasisiyahan sa Aking mga salita; tiyak na sila ang magiging haligi na magtataas ng tukod sa Aking kaharian, tiyak na magkakaroon sila ng walang-kapantay na gantimpala sa Aking bahay, at walang makakahambing sa kanila” (“Kabanata 19” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Bagama’t maraming ginawa si Jesus sa piling ng tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng tao, at hindi inalis sa tao ang lahat ng kanyang tiwaling disposisyon. Ang ganap na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang nangailangang akuin ni Jesus ang mga kasalanan ng tao bilang handog para sa kasalanan, kundi nangailangan ding gumawa ang Diyos ng mas malaking gawain upang ganap na tanggalin sa tao ang kanyang disposisyon, na nagawang tiwali ni Satanas. At sa gayon, matapos mapatawad ang tao sa kanyang mga kasalanan, ang Diyos ay bumalik na sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol, at ang gawaing ito ay nagdala sa tao sa isang mas mataas na mundo. Lahat ng nagpapailalim sa Kanyang kapangyarihan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Sila’y tunay na mamumuhay sa liwanag, at makakamtan nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

Kung ang mga tao ay mananatili sa Kapanahunan ng Biyaya, sila kailanman ay hindi magiging malaya mula sa kanilang tiwaling disposisyon, lalong hindi nila malalaman ang likas na disposisyon ng Diyos. Kung ang mga tao ay palaging namumuhay sa gitna ng kasaganaan ng biyaya subalit wala ang daan ng buhay na nagpapahintulot sa kanila na kilalanin ang Diyos at bigyang-kasiyahan ang Diyos, hindi nila Siya kailanman tunay na matatamo bagama’t nananalig sila sa Kanya. Kaawa-awa namang anyo ng pananalig iyon” (Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkaraan ng libu-libong taon ng pagtitiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban na ang likas na pagkataong lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang likas na lason sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos” (“Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

“Walang sinumang aktibong naghahanap sa mga yapak at pagpapakita ng Diyos, at walang sinumang handang mabuhay sa pangangalaga at pag-iingat ng Diyos. Sa halip, gusto nilang umasa sa unti-unting pagsira ni Satanas, ang masama, upang makibagay sa mundong ito, at sa mga panuntunan ng buhay na sinusunod ng masamang sangkatauhan. Sa puntong ito, ang puso at espiritu ng tao ay naging papuri ng tao kay Satanas at siyang bumubuhay rito. Bukod dito, ang puso at espiritu ng tao ay naging lugar na kung saan si Satanas ay maaaring manirahan at naging akmang palaruan ito. Sa gayo’y walang kamalay-malay ang tao na nawawala ang kanyang pag-unawa sa mga prinsipyo ng pagiging tao, at sa halaga at kabuluhan ng buhay ng tao. Ang mga batas ng Diyos at ang tipan sa pagitan ng Diyos at ng tao ay unti-unting naglalaho sa puso ng tao, at tumitigil siyang hanapin o pakinggan ang Diyos. Sa paglipas ng panahon, hindi na nauunawaan ng tao kung bakit siya nilikha ng Diyos, ni hindi niya nauunawaan ang mga salita mula sa bibig ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos. Sa gayo’y nagsisimulang lumaban ang tao sa mga batas at kautusan ng Diyos; ang kanyang puso at espiritu ay naging manhid…. Nawawala sa Diyos ang taong dati Niyang nilikha, at nawawala sa tao ang ugat ng kanyang pinagmulan. Ito ang pighati ng sangkatauhang ito” (“Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

“Umunlad na ang sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon ng kasaysayan upang makarating sa kinalalagyan nila ngayon. Gayunman, ang sangkatauhang dati Kong nilikha ay matagal nang nabaon tungo sa pagkabulok. Ayaw na nilang umayon sa nais Kong kahinatnan nila, at sa gayon ang sangkatauhan, sa Aking paningin, ay hindi na karapat-dapat na tawaging sangkatauhan. Bagkus ay sila ang dumi ng sangkatauhan na nabihag ni Satanas, ang naglalakad na bulok na mga bangkay na tinitirhan ni Satanas at sinasapian nito. Kahit kaunti ay hindi naniniwala ang mga tao sa Aking pag-iral, ni sumasalubong sa Aking pagdating. Napipilitan lamang tumugon ang sangkatauhan sa Aking mga kahilingan, pansamantalang sumasang-ayon sa mga iyon, at hindi taos-pusong nakikibahagi sa Akin sa mga kagalakan at kalungkutan ng buhay. Dahil ang tingin ng mga tao ay mahiwaga Ako, napipilitan silang magkunwaring nakangiti sa Akin, nagpapakita ng maginhawa sila doon sa may kapangyarihan. Ito ay dahil walang kaalaman ang mga tao tungkol sa Aking gawain, lalo na sa Aking kalooban sa kasalukuyan. Magiging tapat Ako sa inyo: Pagdating ng araw, ang paghihirap ng sinumang sumasamba sa Akin ay magiging mas madaling tiisin kaysa sa inyo. Ang laki ng inyong pananampalataya sa Akin, sa totoo lang, ay hindi nakahihigit kaysa kay Job—kahit ang pananampalataya ng mga Judiong Fariseo ay nakahihigit sa inyo—kaya nga, kung dumating ang araw ng apoy, magiging mas matindi ang inyong paghihirap kaysa sa mga Fariseo kapag sinaway sila ni Jesus, kaysa sa 250 pinunong kumontra kay Moises, at kaysa sa Sodoma sa ilalim ng nakapapasong apoy ng pagkawasak nito” (“Ano ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

“Nawalan ng takot ang tao sa Diyos matapos siyang gawing tiwali ni Satanas at nawalan ng silbi na dapat taglayin ng isa sa mga nilalang ng Diyos, naging isang kaaway na suwail sa Diyos. Namuhay ang tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at sumunod sa mga utos ni Satanas; kaya, walang paraan ang Diyos para kumilos sa gitna ng Kanyang mga nilikha, at lalo pang hindi nagagawang magkaroon ng takot ang Kanyang mga nilikha. Ang tao ay nillikha ng Diyos, at kailangang sumamba sa Diyos, ngunit ang tao ay talagang tumalikod sa Diyos at sumamba kay Satanas. Naging idolo si Satanas sa puso ng tao. Kaya nawalan ng lugar ang Diyos sa puso ng tao, na ibig sabihin ay nawalan ng kahulugan ang Kanyang paglikha sa tao, kaya upang maibalik ang kahulugan ng Kanyang paglikha sa tao kailangan Niyang ibalik ang tao sa orihinal wangis ng tao at alisin sa tao ang kanyang tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang tao mula kay Satanas, kailangan Niyang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Sa ganitong paraan lamang Niya unti-unting maibabalik ang orihinal na wangis ng tao at ang orihinal na silbi ng tao, at sa huli ay maipanumbalik ang Kanyang kaharian. Ang panghuling pagwasak sa suwail na mga anak na iyon ay isasakatuparan din upang tulutan ang tao na mas sambahin ang Diyos at mamuhay nang mas maayos sa mundo. Yamang nilikha ng Diyos ang tao, hihikayatin Niyang sambahin Siya ng tao; dahil ibig Niyang ibalik ang orihinal na silbi ng tao, ipanunumbalik Niya ito nang lubusan, at nang walang anumang halo. Ang kahulugan ng pagpapanumbalik ng Kanyang awtoridad ay hikayatin ang tao na sambahin at sundin Siya; ibig sabihin ay bubuhayin Niya ang tao dahil sa Kanya at papatayin Niya ang Kanyang mga kaaway dahil sa Kanyang awtoridad; ibig sabihin ay pamamalagiin Niya ang bawat huling bahagi Niya sa sangkatauhan at nang walang anumang pagtutol ng tao. Ang kahariang nais Niyang itatag ay ang Kanyang sariling kaharian. Ang sangkatauhang inaasam Niya ay yaong sumasamba sa Kanya, yaong ganap na sumusunod sa Kanya at taglay ang Kanyang kaluwalhatian. Kung hindi Niya ililigtas ang tiwaling sangkatauhan, mawawalan ng saysay ang Kanyang paglikha sa tao; mawawalan Siya ng awtoridad sa tao, at ang Kanyang kaharian ay hindi na iiral sa lupa. Kung hindi Niya pupuksain ang mga kaaway na iyon na suwail sa Kanya, hindi Niya matatamo ang Kanyang ganap na kaluwalhatian, ni hindi rin Niya maitatatag ang Kanyang kaharian sa lupa. Ito ang mga simbolo ng pagtatapos ng Kanyang gawain at ang mga simbolo ng pagtatapos ng Kanyang dakilang pagsasakatuparan: upang lubos na mapuksa yaong mga kasama sa sangkatauhan na suwail sa Kanya, at madala sa kapahingahan yaong mga nagawa nang ganap” (“Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Kapahingahan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

“Ang alam mo lang ay bababa si Jesus sa mga huling araw, ngunit paano ba talaga Siya bababa? Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, at hindi pa nagawang perpekto ng Diyos, makakaayon ka ba sa nais ng Diyos? Para sa iyo, ang dating ikaw, totoo na ikaw ay iniligtas ni Jesus, at ikaw ay hindi itinuturing na isang makasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay hindi makasalanan, at hindi marumi. Paano ka magiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, kasakiman at kasamaan, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—napakasuwerte mo naman! Nalagpasan mo ang isang hakbang sa iyong pananalig sa Diyos: Natubos ka lang, ngunit hindi pa nabago. Upang ikaw ay makaayon sa nais ng Diyos, kailanga’y ang Diyos ang personal na gagawa ng gawin ng pagbabago at paglilinis sa iyo; kung ikaw ay tinubos lamang, wala kang kakayahang magtamo ng kabanalan. Dahil dito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa magagandang biyaya ng Diyos, dahil nalagpasan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos” (“Hinggil sa mga Pangalan at Identidad” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

“Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Kahit maaaring marami ka nang nagawa, at nakagawa na sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunus-lunos pa rin ang iyong karumihan—hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga nanunuyo ng pabor sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makakasuway rito! Kailangan mong hanapin ang buhay. Ngayon, yaong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila yaong mga naghahanap ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at gampanan ang kanilang tungkulin bilang nilalang ng Diyos. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi mo hinahangad na baguhin ang iyong sariling disposisyon sa buhay, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!” (“Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Hinggil sa gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, basahin naman natin ang ilang talata ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa mga huling araw, si Cristo ay gumagamit ng sari-saring katotohanan upang turuan ang tao, ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat mabuhay nang normal ang tao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at pinupungusan Niya ang mga ito nang pangmatagalan. Ang ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang itinuturing na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto na magpasakop sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtam ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos” (“Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang makilala Siya ng tao, at para sa kapakanan ng Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Para sa kapakanan ng Kanyang patotoo, at para sa kapakanan ng Kanyang pamamahala, ipinapakaita Niya sa publiko ang Kanyang kabuuan, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na makilala ang Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang mga pagbabagong iyon sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at maging kaayon ng nais ng Diyos. Ang pagbabago sa disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging modelo at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang tao na kaayon ng nais ng Diyos” (“Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

“Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay ang pagkastigo at paghatol, na inihahayag Niya sa lahat ng masama, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto yaong mga tunay na nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay isasaayos ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang likas na katangian. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kahihinatnan ng sangkatauhan at ang kanilang hantungan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para ilantad ang kanilang pagsuway at kasamaan. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kahihinatnan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at buong sangkatauhan ay isasaayos ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kahihinatnan ng lahat ng  nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang mga masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sumasailalim ng kapangyarihan ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, yaong una sa lahat ay pinagsama-sama sa pagkastigo at paghatol, at inihahayag sa mga huling araw, ang lubos na mababago at magagawang ganap ang tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay mapaparusahan nang matindi ang lahat ng makasalanan. … Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapag-uuri sa tao at makapagdadala sa kanila sa bagong mundo. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay magwawakas sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos” (“Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

“Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung naunawaan mo na, ipinapayo Ko na magpasakop ka nang masunurin na mahatulan, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na papurihan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Yaong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring mapadalisay, ibig sabihin, yaong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay kamumuhian at itatakwil ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas marami, at mas mabigat, kaysa roon sa mga Fariseo, sapagkat napagtaksilan nila ang Diyos at naghimagsik sila laban sa Diyos. Ang gayong mga tao na ni hindi karapat-dapat na magsagawa ng paglilingkod ay tatanggap ng mas mabigat na parusa, isang parusang bukod diyan ay pangwalang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang ganitong mga tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba ito mismo ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba ito ang layunin ng Diyos sa paghatol sa tao, at pagbubunyag sa kanya? Ipapadala ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hahayaan ang masasamang espiritung ito na sirain ang kanilang katawang laman ayon sa gusto nila. Ang kanilang katawan ay mangangamoy-bangkay, at iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos sa kanilang mga talaang aklat ang bawat isa sa mga kasalanan niyaong mga nananalig na hindi-tapat at huwad, mga huwad na apostol, at mga huwad na manggagawa; pagkatapos, sa tamang panahon, itatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hahayaan ang maruruming espiritung ito na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto nila, upang hindi na sila makapagkatawang-taong muli kailanman at hindi na makitang muli ang liwanag kailanman. Yaong mga ipokrito na minsang naglingkod ngunit hindi nanatiling tapat hanggang sa huli ay ibinibilang ng Diyos sa masasama, kaya nabubuhay sila sa payo ng masasama at nagiging bahagi ng kanilang nagkakagulong mga tao; sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos yaong mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o naglaan ng anumang pagsisikap, at pupuksain silang lahat sa pagbabago ng mga kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Yaong hindi kailanman naging tapat sa Diyos ngunit napilitan dahil sa kanilang kalagayan na humarap sa Kanya nang madalian ay ibinibilang sa mga yaon na naglilingkod para sa Kanyang bayan. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang karamihan ay mamamatay na kasama ng mga yaon na ni hindi nararapat na maglingkod. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na ang isipan ay kaayon ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos pati na yaong mga itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Gayon ang bungang nakamit ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain. Patungkol sa mga yaong hindi kabilang sa anumang kategoryang inilatag ng Diyos, ibibilang sila sa mga hindi walang pananalig. At tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kahihinatnan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; kayo ang magpapasiya kung aling landas ang inyong pipiliin. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinuman na hindi nakakasabay sa bilis ng Kanyang paghakbang, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao” (“Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Basahin naman natin ang dalawang talata mula sa mga batas ng pamamahala na ibinigay ng Makapangyarihang Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.

Ang Sampung Administratibong Kautusan na Kailangang Sundin ng mga Taong Hinirang ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian

1. Hindi dapat ipagmalaki ng tao ang kanyang sarili, ni itaas ang kanyang sarili. Dapat niyang sambahin at dakilain ang Diyos.

2. Dapat mong gawin ang anumang bagay na kapaki-pakinabang sa gawain ng Diyos, at hindi ang anumang nakasasama sa mga interes ng gawain ng Diyos. Dapat mong ipagtanggol ang pangalan ng Diyos, ang patotoo ng Diyos, at ang gawain ng Diyos.

3. Ang pera, materyal na mga bagay, at lahat ng ari-arian sa sambahayan ng Diyos ay mga handog na dapat ibigay ng tao. Ang mga handog na ito ay walang sinumang maaaring magtamasa kundi ang saserdote at ang Diyos, dahil ang mga handog ng tao ay para sa kaluguran ng Diyos, ibinabahagi lamang ng Diyos ang mga handog na ito sa saserdote, at wala nang iba pang kwalipikado o nararapat na magtamasa ng anumang bahagi ng mga iyon. Lahat ng handog ng tao (pati na ang pera at mga materyal na bagay na maaaring matamasa) ay ibinibigay sa Diyos, hindi sa tao. Kaya nga, ang mga bagay na ito ay hindi dapat tamasahin ng tao; kung tatamasahin ng tao ang mga ito, nanakawin niya ang mga handog. Sinumang gumagawa nito ay isang Judas, sapagkat, bukod pa sa pagiging traidor, kinuha rin ni Judas ang inilagay sa supot ng pera.

4. Ang tao ay may tiwaling disposisyon at, bukod pa rito, siya ay may damdamin. Dahil dito, talagang ipinagbabawal sa dalawang kasaping magkaibang kasarian na magkasama sa trabaho habang naglilingkod sa Diyos. Sinumang matuklasan na gumagawa nito ay ititiwalag, nang walang pagtatangi—at walang sinumang makakalibre dito.

5. Huwag mong hatulan ang Diyos, ni basta-basta talakayin ang mga bagay na may kaugnayan sa Diyos. Dapat mong gawin ang nararapat gawin ng isang tao, at magsalita ayon sa nararapat na pagsasalita ng tao, at huwag kang lumampas sa iyong mga limitasyon ni lumabag sa iyong mga hangganan. Bantayan mo ang iyong sariling pananalita at mag-ingat sa iyong sariling paglakad. Lahat ng ito ay pipigil sa iyo na gumawa ng anumang bagay na susuway sa disposisyon ng Diyos.

6. Dapat mong gawin ang nararapat gawin ng tao, at isakatuparan ang iyong mga obligasyon, at tuparin ang iyong mga responsibilidad, at manangan sa iyong tungkulin. Yamang nananalig ka sa Diyos, dapat kang gumawa ng iyong kontribusyon sa gawain ng Diyos; kung hindi, hindi ka karapat-dapat na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at hindi ka karapat-dapat na manirahan sa sambahayan ng Diyos.

7. Sa gawain at mga usapin ng simbahan, bukod pa sa pagsunod sa Diyos, sa lahat ng bagay ay dapat mong sundin ang mga tagubilin ng tao na ginagamit ng Banal na Espiritu. Kahit ang pinakamaliit na pagsuway ay hindi katanggap-tanggap. Kailangan mong maging ganap sa iyong pagsunod, at huwag mong suriin ang tama o mali; anuman ang tama o mali ay walang kinalaman sa iyo. Kailangan mo lamang iukol ang iyong sarili sa ganap na pagsunod.

8. Ang mga taong nananalig sa Diyos ay dapat sumunod sa Diyos at sumamba sa Kanya. Hindi mo dapat dakilain o tingalain ang sinumang tao; hindi mo dapat unahin ang Diyos, ipangalawa ang mga tao na iyong tinitingala, at ipangatlo ang iyong sarili. Walang sinumang dapat magkaroon ng lugar sa iyong puso, at hindi mo dapat isaalang-alang ang mga tao—lalo na ang iyong mga iginagalang—na kapareho ng Diyos, na Kanyang kapantay. Hindi ito matitiis ng Diyos.

9. Ang iyong mga iniisip ay dapat maging tungkol sa gawain ng simbahan. Dapat mong isantabi ang mga inaasam ng iyong sariling laman, maging desidido tungkol sa mga usaping pampamilya, buong-pusong ialay ang iyong sarili sa gawain ng Diyos, at unahin ang gawain ng Diyos at pangalawa ang iyong sariling buhay. Ito ang kagandahang-asal ng isang banal.

10. Ang kamag-anak na iba ang pananampalataya (ang iyong mga anak, ang iyong asawa, iyong mga kapatid o magulang, at iba pa) ay hindi dapat piliting sumapi sa simbahan. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi kulang sa mga kasapi, at hindi kailangang dagdagan ang bilang nila ng mga taong walang silbi. Huwag akayin sa simbahan ang lahat ng taong hindi masaya sa pananalig. Ang kautusang ito ay para sa lahat ng tao. Sa bagay na ito dapat ninyong siyasatin, subaybayan at paalalahanan ang isa’t isa, at walang sinumang maaaring lumabag dito. Kahit atubiling pumapasok sa simbahan ang kamag-anak na iba ang pananampalataya, huwag silang bigyan ng mga aklat o ng bagong pangalan; ang gayong mga tao ay hindi kabahagi ng sambahayan ng Diyos, at kailangan silang patigilin sa pagpasok sa simbahan sa anumang paraang kinakailangan. Kung may gulo dinala sa simbahan dahil sa paglusob ng mga demonyo, ikaw mismo ay ititiwalag o bibigyan ng mga pagbabawal. Sa madaling salita, lahat ay may responsibilidad sa bagay na ito, ngunit hindi ka rin dapat magpadalus-dalos, o gumamit nito para lutasin ang mga personal mong atraso” (“Ang Sampung Kautusan sa Pamamahala na Dapat Sundin ng mga Taong Hinirang ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

“Ihahagis Ko ang Aking galit sa mga bansa nito, hayagang ipoproklama ang mga batas ng Aking pamamahala sa buong sansinukob, at kakastiguhin ang sinumang lumalabag sa mga ito:

“Kapag humaharap Ako sa sansinukob upang magsalita, naririnig ng buong sangkatauhan ang Aking tinig, at sa gayon ay nakikita nila ang lahat ng Aking ginawa sa buong sansinukob. Yaong mga sumasalungat sa Aking kalooban, ibig sabihin, yaong mga tumututol sa Akin taglay sa mga gawa ng tao, ay babagsak sa ilalim ng Aking pagkastigo. Kukunin Ko ang napakaraming bituin sa kalangitan at paninibaguhin ang mga ito, at dahil sa Akin ang araw at ang buwan ay mapapanibago—ang kalangitan ay hindi na magiging gaya ng dati; ang di-mabilang na mga bagay sa lupa ay mapapanibago. Lahat ay magiging ganap sa pamamagitan ng Aking mga salita. Ang maraming mga bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahatiin at papalitan ng Aking bansa, kaya ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglalaho magpakailanman at magiging isang bansa na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak, at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, lahat ng nauukol sa diyablo ay lilipulin; lahat ng sumasamba kay Satanas ay ilalapag sa Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban sa mga sumusunod sa agos, lahat ay magiging abo. Kapag kinakastigo Ko ang maraming bayan, yaong mga nasa relihiyosong daigdig, sa iba’t ibang lawak, ay bumabalik sa Aking kaharian, nalupig ng Aking mga gawain, dahil nakita na nila ang pagdating ng Banal na nakasakay sa puting ulap. Susunod ang buong sangkatauhan sa kanilang sariling uri, at makakatanggap ng mga pagkastigo na naiiba sa kung ano ang kanilang nagawa. Yaong mga kumalaban sa Akin ay malilipol na lahat; para naman sa mga yaon na hindi Ako isinama sa kanilang mga gawa sa lupa, dahil sa paraan nila ng pagpapawalang-sala sa kanilang sarili, sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at ng Aking bayan. Ihahayag Ko ang Aking sarili sa napakaraming tao at sa napakaraming bansa, na nagpapahayag ng Aking sariling tinig sa ibabaw ng lupa upang ipahayag ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain para makita ng buong sangkatauhan sa sarili nilang mga mata” (“Kabanata 26” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

…………

Category: Mga aklat ng ebanghelyo | Views: 124 | Added by: lih400847 | Tags: nagkatawang tao ang diyos, gawa ng Diyos, Ang Katotohana | Rating: 0.0/0
Total comments: 0
avatar