12:52 PM
Ang Pag-alam sa Layunin at Kabuluhan ng Bawat Isa sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos

 

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang gawain na ginawa ni Jehova sa mga Israelita ay itinatag sa gitna ng sangkatauhan ng panlupang lugar na pinagmulan ng Diyos, na siya ring banal na lugar kung saan Siya naroon. Nilimitahan Niya ang Kanyang gawain sa bayan ng Israel. Noong una, hindi Siya gumawa sa labas ng Israel; sa halip, pinili Niya ang isang bayan na natagpuan Niyang angkop upang itakda ang sakop ng Kanyang gawain. Ang Israel ang lugar kung saan nilikha ng Diyos si Adan at Eva, at mula sa alabok sa lugar na iyon nilikha ni Jehova ang tao; ang lugar na ito ay naging himpilan ng Kanyang gawain sa lupa. Ang mga Israelita, na siyang mga inapo ni Noe at mga inapo din ni Adan, ay ang mga makataong pundasyon ng gawain ni Jehova sa lupa.

Sa panahong ito, ang kabuluhan, layunin, at mga yugto ng gawain ni Jehova sa Israel ay upang simulan ang Kanyang gawain sa buong lupa, na, mula sa Israel bilang sentro, ay unti-unting lumaganap sa mga bansang Gentil. Ito ang prinsipyong batayan ng Kanyang mga ginagawa sa buong sansinukob—ang magtatag ng modelo at pagkatapos ay palawakin ito hanggang sa ang lahat ng tao sa sansinukob ay tumanggap ng Kanyang ebanghelyo. Ang mga unang Israelita ay mga inapo ni Noe. Ang mga taong ito ay pinagkalooban lamang ng hininga ni Jehova, at nakaunawa nang sapat upang pangalagaan ang mga pangunahing pangangailangan sa buhay, nguni’t hindi nila alam kung anong uri ng Diyos si Jehova, o ang Kanyang kalooban para sa tao, lalong higit kung paano nila dapat pagpipitaganan ang Panginoon ng buong sangnilikha. Patungkol naman sa kung mayroong mga alituntunin at kautusan para sundin, at kung mayroong gawaing dapat gawin ng mga nilikhang nilalang para sa Lumikha: Walang alam ang mga inapo ni Adan sa mga bagay na ito. Ang alam lang nila ay ang asawang lalaki ay dapat magpawis at magpagal upang tustusan ang kanyang pamilya, at na ang asawang babae ay dapat magpasakop sa kanyang asawang lalaki at magpanatili ng lahi ng mga tao na nilikha ni Jehova. Sa madaling salita, ang mga taong ito, na ang tanging mayroon lamang ay ang hininga ni Jehova at ang Kanyang buhay, ay walang alam sa kung paano sumunod sa mga kautusan ng Diyos o kung paano bigyang-kasiyahan ang Panginoon ng buong sangnilikha. Lubhang kakaunti ang kanilang naunawaan. Kaya kahit na wala namang buktot o mapanlinlang sa kanilang mga puso at bihirang magkaroon ng pagseselos at pagtatalo sa kalagitnaan nila, wala pa rin silang kaalaman o kaunawaan kay Jehova, ang Panginoon ng buong sangnilikha. Ang alam lamang ng mga ninunong ito ng tao ay kumain ng mga bagay ni Jehova, at tamasahin ang mga bagay ni Jehova, nguni’t hindi nila alam paano magpitagan kay Jehova; hindi nila alam na si Jehova ang Siyang dapat nilang sambahin nang nakaluhod. Kaya paano sila matatawag na mga nilikha Niya? Kung ito ay ganito nga, ano ang mga salitang, “Si Jehova ay Panginoon ng buong sangnilikha” at “Nilikha Niya ang tao upang ang tao ay ipahayag Siya, luwalhatiin Siya, at katawanin Siya”—hindi ba kaya masasabi nang walang saysay ang mga iyon? Paanong ang mga taong walang pagpitagan kay Jehova ay maaaring maging patotoo ng Kanyang kaluwalhatian? Paano sila maaaring maging kapahayagan ng Kanyang kaluwalhatian? Ang mga salita kaya ni Jehova na “Nilikha Ko ang tao ayon sa Aking wangis” ay maging sandata sa mga kamay ni Satanas—na siyang masama? Ang mga salita kayang ito ay hindi magiging tatak ng kahihiyan sa pagkalikha ni Jehova sa tao? Upang gawing ganap ang yugtong iyon ng gawain, si Jehova, pagkaraang likhain ang mga tao, ay hindi nagturo o naggabay sa kanila mula sa panahon ni Adan hanggang sa kay Noe. Sa halip, pagkaraan wasakin ng baha ang daigdig ay saka lamang Niya pormal na sinimulang gabayan ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at ni Adan din. Ang Kanyang gawain at mga pagbigkas sa Israel ay nagbigay ng patnubay sa lahat ng bayan ng Israel habang sila ay namuhay sa buong lupain ng Israel, at sa ganitong paraan ipinakita sa sangkatauhan na si Jehova ay hindi lamang kayang hingahan ang tao, upang magkaroon siya ng buhay mula sa Kanya at bumangon mula sa alabok at maging nilikhang tao, kundi na Siya rin ay kayang sunugin hanggang sa maging abo ang sangkatauhan, at sumpain ang sangkatauhan, at gumamit ng Kanyang tungkod upang pamahalaan ang sangkatauhan. At, ganoon din, nakita nila na si Jehova ay maaaring pumatnubay sa buhay ng tao sa lupa, at magsalita at gumawa sa kalagitnaan ng sangkatauhan ayon sa mga oras ng araw at ng gabi. Ginawa lamang niya ang gawain upang ang Kanyang mga nilalang ay makaalam na ang tao ay nagmula sa alabok na pinulot Niya, at higit dito na ang tao ay nilikha Niya. Hindi lamang ito, kundi ang gawain na sinimulan Niya sa Israel ay upang ang ibang mga tao at mga bansa (na sa totoo lang ay hindi hiwalay sa Israel, kundi nagsanga mula sa mga Israelita, subali’t nagmula pa rin kina Adan at Eva) ay makatanggap ng ebanghelyo ni Jehova mula sa Israel, upang ang lahat ng nilikhang nilalang sa sansinukob ay makapagpitagan kay Jehova at itangi Siyang dakila. Kung hindi sinimulan ni Jehova ang Kanyang gawain sa Israel, nguni’t sa halip, nang likhain na ang sangkatauhan, ay hinayaan silang mamuhay nang walang inaalala sa lupa, kung gayon sa ganyang kalagayan, dahil sa pisikal na kalikasan ng tao (ang ibig sabihin ng kalikasan ay hindi malalaman ng tao kailanman ang mga bagay na hindi niya nakikita, na ibig sabihin hindi niya malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, at lalong hindi kung bakit Niya ito ginawa), hindi niya malalaman kailanman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan o na Siya ang Panginoon ng buong sangnilikha. Kung nilikha ni Jehova ang tao at inilagay siya sa daigdig, at basta pinagpag ang alikabok sa Kanyang mga kamay at umalis, sa halip na manatili sa kalagitnaan ng mga tao para bigyan sila ng patnubay sa loob ng ilang panahon, kung magkagayon ang lahat ng sangkatauhan ay babalik sana sa kawalan; maging ang langit at lupa at ang lahat ng hindi mabilang na mga bagay na Kanyang ginawa, at ang lahat ng sangkatauhan, ay babalik sa kawalan at higit pa ay nayurakan na ni Satanas. Sa ganitong paraan ang naisin ni Jehova na “Sa daigdig, iyon ay, sa kalagitnaan ng Kanyang nilikha, dapat Siyang may lugar na matindigan, isang banal na lugar” ay mabubuwag sana. At kaya, matapos likhain ang tao, na nagawa Niyang manatili sa kanilang kalagitnaan upang patnubayan sila sa kanilang buhay, at mangusap sa kanila mula sa kanilang kalagitnaan, lahat ng ito ay upang matupad ang Kanyang nais, at makamtan ang Kanyang plano. Ang gawain na ginawa Niya sa Israel ay nilayon lamang na isakatuparan ang plano na Kanyang inilagay sa lugar bago ang paglikha Niya ng lahat ng bagay, at dahil dito ang Kanyang pagkilos una sa kalagitnaan ng mga Israelita at ang Kanyang paglikha ng lahat ng bagay ay hindi salungat sa isa’t isa, kundi kapwa para sa kapakanan ng Kanyang pamamahala, Kanyang gawain, at Kanyang kaluwalhatian, at gayon din upang mapalalim ang kahulugan ng Kanyang paglikha sa sangkatauhan. Pinatnubayan Niya ang buhay ng sangkatauhan sa lupa ng dalawang libong taon pagkatapos ni Noe, na sa panahong ito ay tinuruan Niya ang sangkatauhan na unawain kung paano pagpipitaganan si Jehova na Panginoon ng buong sangnilikha, paano magpakaayos sa kanilang mga buhay at paano magpatuloy sa pamumuhay, at higit sa lahat, paano kumilos bilang saksi para kay Jehova, sundin Siya, at bigyan Siya ng pagpipitagan, maging purihin Siya gamit ang musika tulad ng ginawa ni David at ng kanyang mga saserdote.

—mula sa “Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, iyon ay upang sabihin na nilikha Niya ang mga ninuno ng sangkatauhan: Si Eva at Adan. Nguni’t hindi Niya ipinagkaloob sa kanila ang karagdagang talino at karunungan. Bagama’t sila ay naninirahan na sa lupa, halos wala silang anumang nauunawaan. At kaya, ang gawain ni Jehova sa paglikha sa sangkatauhan ay nangalahati lamang. Hindi ito tapos sa anumang paraan. Hinubog lamang Niya ang isang modelo ng tao mula sa putik at binigyan Niya ito ng hininga, nguni’t hindi ipinagkaloob sa tao ang sapat na kahandaan upang igalang Siya. Sa pasimula, ang tao ay walang balak na igalang Siya, o matakot sa Kanya. Ang alam lamang ng tao ay ang makinig sa Kanyang mga salita nguni’t mangmang sa pangunahing kaalaman para sa buhay sa lupa at sa mga wastong patakaran sa buhay. At kaya, bagama’t nilikha ni Jehova ang lalaki at babae at tinapos ang pitong araw ng proyekto, hindi Niya natapos likhain ang tao sa anumang paraan, sapagka’t ang tao ay isa lamang ipa, at walang realidad ng pagiging tao. Ang alam lamang ng tao ay si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, nguni’t walang kamalayan ang tao kung paano sumunod sa mga salita at mga batas ni Jehova. At kaya, pagkatapos ng paglikha sa sangkatauhan, ang gawain ni Jehova ay matagal pa bago magtapos. Kinailangan pa Niyang lubusang gabayan ang sangkatauhan na lumapit sa harap Niya, upang magawa nilang mamuhay nang magkakasama sa lupa at igalang Siya, at upang magawa nila, sa tulong ng Kanyang paggabay, na makapasok sa tamang landas ng isang normal na buhay ng tao sa lupa. Sa gayon lamang ganap na nabuo ang gawain na pangunahing isinagawa sa ilalim ng pangalan ni Jehova; iyon ay, sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain ni Jehova sa paglikha sa mundo. At kaya, yamang nilikha Niya ang sangkatauhan, kinailangan Niyang gabayan ang buhay ng sangkatauhan sa lupa sa loob ng ilang libong taon, upang magawang sumunod ng sangkatauhan sa Kanyang mga kautusan at mga batas, at makibahagi sa lahat ng gawain ng isang normal na buhay ng tao sa lupa. Sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain ni Jehova. Sinimulan Niya ang gawaing ito matapos Niyang likhain ang sangkatauhan, at ang kanyang gawain ay nagpatuloy hanggang sa panahon ni Jacob, nang ang labindalawang anak na lalaki ni Jacob ay naging labindalawang lipi ng Israel. Mula sa panahong iyon pasulong, ang bawat isa sa Israel ay naging mga tao na pinangunahan Niya nang opisyal sa lupa, at ang Israel ang naging partikular na lugar sa lupa kung saan Niya ginawa ang Kanyang gawain. Ginawa ni Jehova ang mga taong ito na unang grupo ng mga tao kung kanino Niya ginawa ang kanyang opisyal na gawain sa lupa, at ginawang panimulang punto ang kabuuang bayan ng Israel para sa Kanyang gawain. Ginamit Niya sila bilang panimula ng lalong higit na dakilang gawain, upang malaman ng lahat ng mga taong isinilang mula sa Kanya sa lupa kung paano Siya igalang at mabuhay sa lupa. At kaya, ang mga gawa ng mga Israelita ay naging isang halimbawa para sundan ng mga Gentil, at kung ano ang sinabi sa kalipunan ng mga tao sa Israel ay naging mga salita na diringgin ng mga Gentil. Sapagka’t sila ang unang nakatanggap sa mga batas at mga utos ni Jehova, at sila rin ang unang nakaalam kung paano igalang ang mga pamamaraan ni Jehova. Sila ang mga ninunong tao na nakaalam sa mga pamamaraan ni Jehova, at mga kinatawan ng sangkatauhan na pinili ni Jehova.

—mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Noong Kapanahunan ng Kautusan, naglatag si Jehova ng maraming mga utos kay Moises upang ipasa sa mga Israelitang sumunod sa kanya palabas ng Egipto. Ang mga utos na ito ay ibinigay ni Jehova sa mga Israelita, at walang kaugnayan sa mga taga-Egipto; ang mga ito ay nilayon upang higpitan ang mga Israelita. Ginamit Niya ang mga utos upang hingan sila. Kung sinunod nila ang Sabbath, kung iginalang nila ang kanilang mga magulang, kung sinamba nila ang mga diyos-diyosan, at iba pa: ito ang mga prinsipyo kung saan sila ay hinatulan na puno ng kasalanan o matuwid. Sa kanilang kalagitnaan, mayroong ilan na tinamaan ng apoy ni Jehova, may ilan na binato hanggang sa mamatay, at may ilan na tumanggap ng pagpapala ni Jehova, at ito ay pinagpasyahan ayon sa kung sila ay sumunod o hindi sumunod sa mga utos. Ang mga hindi nakasunod sa Sabbath ay babatuhin hanggang mamatay. Ang mga saserdote na hindi sumunod sa Sabbath ay tatamaan ng apoy ni Jehova. Ang mga hindi nagpakita ng paggalang sa kanilang mga magulang ay babatuhin din hanggang mamatay. Lahat ng ito ay itinagubilin ni Jehova. Itinatag ni Jehova ang Kanyang mga utos at batas upang, habang pinangungunahan Niya sila sa kanilang buhay, ang mga tao ay makikinig at tatalima sa Kanyang salita at hindi maghihimagsik laban sa Kanya. Ginamit Niya ang mga batas na ito upang ang bagong-silang na lahi ng tao ay makontrol, upang mas mainam na mailatag ang pundasyon para sa Kanyang gawain sa hinaharap. At kaya, batay sa gawain na ginawa ni Jehova, ang unang kapanahunan ay tinawag na Kapanahunan ng Kautusan. Bagama’t maraming ginawang pagbigkas si Jehova at gumawa ng maraming gawain, pinatnubayan lamang Niya ang mga tao nang positibo, tinuturuan ang mga ignoranteng tao paano maging tao, paano mamuhay, paano maunawaan ang paraan ni Jehova. Sa karamihang bahagi, ang gawain na ginawa Niya ay upang sanhiin sa mga tao na sumunod sa Kanyang daan at sundin ang Kanyang mga kautusan. Ang gawain ay ginawa sa mga taong mababaw pa ang katiwalian; hindi ito ipinaabot hanggang sa pagbabago ng kanilang disposisyon o pag-unlad sa buhay. Ang Kanyang pakay lamang ay ang paggamit ng mga kautusan para pigilan at kontrolin ang mga tao. Para sa mga Israelita noong panahong iyon, si Jehova ay isa lamang Diyos na nasa templo, isang Diyos na nasa mga kalangitan. Siya ay isang haliging ulap, isang haliging apoy. Ang hiningi lang ni Jehova sa kanila ay ang sumunod sa alam ngayon ng mga tao bilang Kanyang mga batas at utos—maaaring sabihin pa nga ng isa na mga alituntunin—dahil ang ginawa ni Jehova ay hindi nilayon para baguhin sila, kundi para bigyan sila ng mas maraming bagay na dapat magkaroon ang mga tao, para turuan sila mula sa sarili Niyang bibig, dahil pagkaraang malikha, ang tao ay walang anuman ng dapat na mayroon siya. At kaya, ibinigay ni Jehova sa mga tao ang mga bagay na dapat nilang ariin para sa kanilang mga buhay dito sa lupa, kaya ang mga taong pinangunahan Niya ay nilagpasan pa ang kanilang mga ninuno, sina Adan at Eva, dahil ang anumang ibinigay ni Jehova sa kanila ay lumabis pa sa anumang ibinigay Niya kay Adan at Eva sa simula. Kahit na ano pa, ang gawain na ginawa ni Jehova sa Israel ay upang patnubayan lamang ang sangkatauhan at ipakilala sa sangkatauhan ang kanilang Lumikha. Hindi Niya sila sinakop o binago, kundi pinatnubayan lamang. Ito ang kabuuan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang pinagmulan, ang totoong salaysay, ang diwa ng Kanyang gawain sa buong lupain ng Israel, at ang simula ng Kanyang anim na libong taon ng gawain—ang panatilihin ang sangkatauhan sa ilalim ng kontrol ng kamay ni Jehova. Mula dito ay ipinanganak ang mas marami pang gawain sa Kanyang anim-na libong-taong plano ng pamamahala.

—mula sa “Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang gawaing ginawa ni Jesus ay naaayon sa mga pangangailangan ng tao sa kapanahunang iyon. Ang Kanyang tungkulin ay tubusin ang sangkatauhan, patawarin ang kanilang mga pagkakasala, kaya’t ang Kanyang disposisyon ay ganap na isang kapakumbabaan, pagpapasensya, pag-ibig, kabanalan, pagtitiis, awa, at konsiderasyon. Nagdala Siya ng saganang biyaya at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat ng bagay na maaaring tamasahin ng mga tao, Kanyang ibinigay sa kanila para sa kanilang kasiyahan: kapayapaan at kaligayahan, ang Kanyang pagpaparaya at pagmamahal, Kanyang awa at konsiderasyon. Noon, ang saganang mga bagay na nakasisiya na naranasan ng mga tao—ang damdamin ng kapayapaan at seguridad sa kanilang kalooban, ang damdamin ng kapanatagan sa kanilang espiritu, at ang kanilang pag-asa kay Jesus na Tagapagligtas—ay umiral na lahat sa kapanahunan na nabuhay sila. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagawa nang tiwali ni Satanas ang tao, kaya para magawa ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan, kinailangan ang saganang biyaya, walang-katapusang pagtitiis at pagpapasensya, at higit pa rito, isang handog na sapat para magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, upang magkaroon ito ng epekto. Ang nakita ng sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya ay yaon lamang handog Kong pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan: si Jesus. Ang alam lamang nila ay na maaaring maging maawain at matiisin ang Diyos, at ang nakita lamang nila ay ang awa at konsiderasyon ni Jesus. Ito ay dahil lamang sa nabuhay sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya nga, bago sila maaaring tubusin, kinailangan nilang matamasa ang maraming uri ng biyaya na ipinagkaloob ni Jesus sa kanila upang makinabang sila rito. Sa ganitong paraan, maaari silang mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatamasa nila ng biyaya, at maaari din silang magkaroon ng pagkakataong matubos sa pamamagitan ng pagtatamasa ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus. Sa pamamagitan lamang ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus sila nagkakaroon ng karapatang tumanggap ng kapatawaran at magtamasa ng saganang biyaya na ipinagkaloob ni Jesus. Sabi nga ni Jesus: Ako ay pumarito hindi upang tubusin ang matuwid kundi ang mga makasalanan, upang tulutan ang mga makasalanan na mapatawad sa kanilang mga kasalanan. Kung si Jesus, noong Siya ay naging tao, ay nagdala ng disposisyon ng paghatol, sumpa, at kawalan ng pagpaparaya sa mga kasalanan ng tao, hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon ang tao na matubos, at mananatili silang makasalanan magpakailanman. Kung nagkagayon, tumigil na sana ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala noong Kapanahunan ng Kautusan, at tumagal sana nang anim na libong taon ang Kapanahunan ng Kautusan. Lalo pa sanang dumami at bumigat ang mga kasalanan ng tao, at nauwi sana sa wala ang paglikha sa sangkatauhan. Si Jehova lamang sana ang napaglingkuran ng mga tao sa ilalim ng kautusan, ngunit mas marami sana ang kanilang mga kasalanan kaysa roon sa mga tao na unang nilikha. Habang lalong minahal ni Jesus ang sangkatauhan, na pinatatawad ang kanilang mga kasalanan at pinagkakalooban sila ng sapat na awa at konsiderasyon, lalong nagkaroon ng karapatan ang sangkatauhan na mailigtas ni Jesus, na matawag na mga nawawalang tupa na binili ni Jesus sa napakalaking halaga. Hindi maaaring makialam si Satanas sa gawaing ito, dahil pinakitunguhan ni Jesus ang Kanyang mga alagad na parang pakikitungo ng isang mapagmahal na ina sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Hindi Siya nagtanim ng galit sa kanila ni hindi Niya sila hinamak, kundi Siya ay puno ng kaaliwan; hindi kailanman sumiklab ang Kanyang galit sa kanila, kundi tiniis Niya ang kanilang mga kasalanan at nagbulag-bulagan sa kanilang mga kahangalan at kamangmangan, at sinabi pang, “Patawarin ninyo ang iba nang pitumpung pitong beses.” Binago ng puso Niya nang ganoon ang puso ng iba, at sa ganoong paraan lamang natanggap ng mga tao ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis.

—mula sa “Ang Tunay na Kasaysayan sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Bagama’t si Jesus sa Kanyang pagkakatawang-tao ay lubos na walang damdamin, lagi Niyang pinanatag ang Kanyang mga disipulo, tinustusan sila, tinulungan sila, at sinuportahan sila. Gaano man karaming gawain ang Kanyang ginawa, o gaano man katindi ang pagdurusang Kanyang tiniis, hindi Siya kailanman humiling nang labis sa mga tao, kundi lagi Siyang mapagpasensya at matiisin sa kanilang mga pagkakasala, kaya Siya magiliw na tinawag ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya na “ang kaibig-ibig na Tagapagligtas na si Jesus.” Sa mga tao noong panahong iyon—sa lahat ng tao—kung ano ang mayroon si Jesus at kung ano Siya noon, ay awa at konsiderasyon. Hindi Niya kailanman tinandaan ang mga paglabag ng mga tao, at ang Kanyang pakikitungo sa kanila ay hindi kailanman batay sa kanilang mga paglabag. Dahil ibang kapanahunan iyon, kadalasa’y nagkaloob Siya ng saganang pagkain sa mga tao upang sila ay mangabusog. Pinakitunguhan Niya ang lahat ng Kanyang alagad nang may kabaitan, na nagpapagaling ng mga maysakit, nagpapalayas ng mga demonyo, bumubuhay ng mga patay. Upang maniwala sa Kanya ang mga tao at makita nila na lahat ng Kanyang ginawa ay ginawa nang buong sigasig at katapatan, binuhay pa Niya ang isang naaagnas na bangkay, na ipinakikita sa kanila na sa Kanyang mga kamay, kahit ang patay ay muling mabubuhay. Sa paraang ito tahimik Siyang nagtiis at isinagawa Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos sa kanila. Bago pa man Siya ipinako sa krus, pinasan na ni Jesus ang mga kasalanan ng sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng sangkatauhan. Bago pa man siya ipinako sa krus, nabuksan na Niya ang daan patungo sa krus upang tubusin ang sangkatauhan. At sa huli, ipinako Siya sa krus, na isinasakripisyo ang Kanyang sarili para sa kapakanan ng krus, at ipinagkaloob Niya ang lahat ng Kanyang awa, konsiderasyon, at kabanalan sa sangkatauhan.

—mula sa “Ang Tunay na Kasaysayan sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kung wala ang pagtubos ni Jesus, nabuhay na sana ang sangkatauhan sa kasalanan magpakailanman at naging mga anak ng kasalanan, mga inapo ng mga demonyo. Kung nagpatuloy ito, naging lupain na sana ni Satanas ang buong mundo, ang lupaing tirahan nito. Gayunman, ang gawain ng pagtubos ay nangailangan ng pagpapakita ng awa at konsiderasyon sa sangkatauhan; sa pamamagitan lamang nito maaaring tumanggap ng kapatawaran ang sangkatauhan at sa huli ay magkaroon ng karapatang magawang ganap at lubos na makamit ng Diyos. Kung wala ang yugtong ito ng gawain, hindi na sana sumulong ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Kung hindi ipinako si Jesus sa krus, kung nagpagaling lamang Siya ng mga maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, hindi sana lubusang mapapatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan. Sa tatlo’t kalahating taon na ginugol ni Jesus sa paggawa ng Kanyang gawain sa lupa, tinapos lamang Niya ang kalahati ng Kanyang gawain ng pagtubos; pagkatapos, sa pagpapapako sa Kanya sa krus at pagiging kawangis ng makasalanang laman, sa pagpapasa sa Kanya roon sa masama, natapos Niya ang gawaing magpapako sa krus at napigil ang tadhana ng sangkatauhan. Pagkatapos na ibigay Siya sa mga kamay ni Satanas, saka lamang Niya natubos ang sangkatauhan. Sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon na nagdusa Siya sa lupa, tinuya, siniraang-puri, at tinalikuran, maging hanggang sa punto na wala Siyang mahimlayan ng Kanyang ulo, walang lugar na mapagpahingahan, at kalaunan ay ipinako Siya sa krus, pati na ang Kanyang buong pagkatao—isang banal at walang-salang katawan—ay ipinako sa krus. Tiniis Niya ang lahat ng klase ng pagdurusa. Tinuya Siya at nilatigo ng mga nasa kapangyarihan, at dinuraan pa Siya ng mga sundalo sa mukha; datapuwa’t Siya ay nanatiling tahimik at nagtiis hanggang wakas, na sumusunod nang walang pasubali hanggang kamatayan, pagkatapos niyon ay tinubos Niya ang buong sangkatauhan. Noon lamang Siya tinulutang makapagpahinga. Ang gawaing ginawa ni Jesus ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Biyaya; hindi ito kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, ni hindi ito panghalili sa gawain ng mga huling araw. Ito ang diwa ng gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang ikalawang kapanahunan na napagdaanan ng sangkatauhan—ang Kapanahunan ng Pagtubos.

—mula sa “Ang Tunay na Kasaysayan sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa panahong iyon ang gawain ni Jesus ay ang pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng yaong mga naniwala sa Kanya ay napatawad; hangga’t ikaw ay naniwala sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay naniwala sa Kanya, hindi ka na isang makasalanan, ikaw ay pinawalang-sala sa iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng pagiging ligtas, at mapangatwiranan sa pamamagitan ng pananampalataya. Nguni’t sa yaong mga naniwala, mayroon pa ring nanatiling mga mapanghimagsik at sumalungat sa Diyos, at mga kailangan pang dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusang nakamit na ni Jesus, sa halip ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan: Kapag ikaw ay naniwala, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa.

—mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Nang si Jesus ay naparito sa mundo ng tao, dinala Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at tinapos ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa panahon ng mga huling araw, ang Diyos ay muling naging katawang-tao, at nang Siya’y naging katawang-tao sa panahong ito, tinapos Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at dinala ang Kapanahunan ng Kaharian. Ang lahat ng tumatanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay madadala tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at personal na makakatanggap ng paggabay ng Diyos. Bagaman maraming ginawa si Jesus kapiling ang tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng tao, at hindi inalis sa tao ang lahat ng kanyang tiwaling disposisyon. Ang ganap na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan kay Jesus na akuin ang mga kasalanan ng tao bilang handog para sa kasalanan, kundi nangailangan din sa Diyos na gumawa ng mas malaking gawain upang ganap na tanggalin sa tao ang kanyang disposisyon, na nagawang tiwali ni Satanas. At sa gayon, matapos mapatawad ang tao sa kanyang mga kasalanan, ang Diyos ay bumalik na sa katawang-tao upang pangunahan ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol, at ang gawaing ito ay nagdala sa tao sa isang mas mataas na upain. Ang lahat ng nagpapasailalim sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at makakatanggap ng mas malalaking pagpapala. Sila’y tunay na mamumuhay sa liwanag, at makakamtan ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

—mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Nang ang Diyos ay naging tao sa panahong ito, ang Kanyang gawain ay upang ipahayag ang Kanyang disposisyon, una sa lahat sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol. Gamit ito bilang pundasyon, naghahatid Siya ng iba pang katotohanan sa tao, nagpapakita ng iba pang mga paraan ng pagsasagawa, at sa gayon ay nakakamit ang Kanyang layunin na lupigin ang tao at iligtas mula sa kanyang tiwaling disposisyon. Ito ang nasa likod ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.

—mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang gawain sa mga huling araw ay bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabago ngayong naibubunga sa mga taong ito sa pagtanggap ng mga salitang ito ay mas higit kaysa roon sa mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya sa pagtanggap niyaong mga tanda at mga kababalaghan. Sapagka’t, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay lumayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, nguni’t ang tiwaling mga disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay gumaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, nguni’t ang gawain ng kung paano maiwawaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon sa loob ng tao ay hindi nagawa sa kanya. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananampalataya, nguni’t ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng Diyos na nagkatawang-tao, nguni’t hindi ito nangangahulugan na ang tao ay walang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, nguni’t hindi magagawang lutasin ng tao ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala at kung paanong ang kanyang makasalanang kalikasan ay ganap na maiwawaksi at mababago. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, nguni’t ang tao ay patuloy na namuhay sa dating tiwaling maka-satanas na disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa tiwaling maka-satanas na disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, ang landas ng buhay, at ang paraan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Kakailanganin din na ang tao ay kumilos alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon ng tao ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng pagsikat ng liwanag, at upang maaaring magawa niya ang lahat ng bagay ayon sa kalooban ng Diyos, iwaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon, at lumaya mula sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas, at dahil dito ganap na makakalaya mula sa kasalanan. Doon lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, batay sa pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay maaaring makakita at kahit ang patay ay maaaring maibalik ang buhay. Gayunman, hindi natuklasan ng tao ang tiwaling maka-satanas na disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ito. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at kanilang maka-Diyos na itsura; kung ang tao ay maaaring mabuhay batay sa ganito, siya ay itinuring na isang mabuting mananampalataya. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Nguni’t, sa kanilang buong buhay, hindi nila lubos na naunawaan kahit kailan ang daan ng buhay. Sila ay nakakagawa lamang ng mga kasalanan, pagkatapos ay nangungumpisal ng kasalanan nang paulit-ulit na walang anumang daan tungo sa isang nabagong disposisyon; ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatuwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para padalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayo’y bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagka’t ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagka’t ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Nguni’t ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob nila at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos; at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawaing ginagamit ng Diyos ang salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao at hinihingi sa tao na magsagawa alinsunod sa tamang landas. Ang yugtong ito ay mas makahulugan kaysa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagbibigay-buhay sa tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatuwid, ang pagkakatawang-tao sa mga huling araw ay nagpaging-ganap sa kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa Kapanahunan ng Kaharian, ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagwiwika ng mga salita upang lupigin ang lahat ng naniniwala sa Kanya. Ito ay “ang Salita na nagpapakita sa katawang-tao”; ang Diyos ay naparito sa panahon ng mga huling araw upang gawin ang ganito, na ibig sabihin, Siya ay naparito upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Nagwiwika lamang Siya ng mga salita, at bihirang mayroong pagdating ng mga katunayan. Ito ang pinakasubstansya ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at kapag ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagwiwika ng Kanyang mga salita, ito ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, at ang Salita na dumarating sa katawang-tao. “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios, at nagkatawang-tao ang Verbo.” Ito (ang gawain ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao) ay ang gawain na tutuparin ng Diyos sa mga huling araw, at ang huling kabanata ng Kanyang buong plano sa pamamahala, at sa gayon ang Diyos ay naparito sa lupa at naghayag ng Kanyang mga salita sa katawang-tao. Yaong ginagawa ngayon, yaong gagawin sa hinaharap, yaong tutuparin ng Diyos, ang huling hantungan ng tao, yaong mga maliligtas, yaong mga mawawasak, at iba pa—ang gawaing ito na dapat makamit sa katapusan ay maliwanag nang nakasaad, at ang lahat ay upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Ang mga atas administratibo at saligang-batas na dati nang nailathala, yaong mga mawawasak, yaong mga papasok sa kapahingahan—ang lahat ng salitang ito ay dapat na matupad. Ito ang gawaing pangunahing natupad ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng mga huling araw. Ipinauunawa Niya sa mga tao kung saan yaong mga itinadhana ng Diyos ay nabibilang at kung saan yaong mga hindi itinadhana ng Diyos ay nabibilang, kung paanong ang Kanyang mga tao at mga anak ay mapapagbukud-bukod, ano ang mangyayari sa Israel, ano ang mangyayari sa Egipto—sa hinaharap, bawat isa sa mga salitang ito ay matutupad. Ang mga hakbang ng mga gawain ng Diyos ay bumibilis. Ginagamit ng Diyos ang salita bilang ang paraan upang ibunyag sa tao kung ano ang gagawin sa bawat kapanahunan, kung ano ang gagawin ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, at Kanyang ministeryo na dapat maganap, at ang mga salitang ito lahat ay upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salitang nagpapakita sa katawang-tao.

—mula sa “Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang ihatid ang isang bagong kapanahunan, upang baguhin ang paraan ng Kanyang gawain, at upang gawin ang gawain para sa buong kapanahunan. Ito ang panuntunan ng paggawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay nagkatawang-tao upang magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, binibigyang-kakayahan ang tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at ang Kanyang karunungan at pagiging nakamamangha. Ang ganoong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao. Ito ang tunay na kahulugan ng paggamit sa salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang kailangang pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng salita, ang lahat ng gawain na nais isagawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng salita, nahahayag ang tao, naaalis at sinusubukan. Nakita ng tao ang salita, narinig ang salita, at nabuksan ang kamalayan patungkol sa pag-iral ng salita. Ang bunga nito, naniniwala ang tao sa pag-iral ng Diyos, naniniwala ang tao sa pagiging makapangyarihan sa lahat at sa karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos para sa tao at Kanyang pagnanais na iligtas ang tao. Bagaman ang salitang “salita” ay payak at karaniwan, ang salita mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang buong sansinukob; binabago ng Kanyang salita ang puso ng tao, ang mga pagkaunawa at ang lumang disposisyon ng tao, at ang lumang anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganoong paraan, at Siya ang tanging nagsasalita at nagliligtas sa tao. Pagkatapos noon, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng salita, inaakay at tinutustusan ng salita; sila ay namumuhay sa mundo ng salita, namumuhay sa gitna ng mga sumpa at mga pagpapala ng salita ng Diyos, at mas marami pang tao ang namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kapakanan ng kaligtasan ng tao, pagkamit sa kalooban ng Diyos, at pagbabago sa orihinal na anyo ng mundo ng unang paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng salita, pinamumunuan ang mga tao sa buong sansinukob sa pamamagitan ng salita, nilulupig at inililigtas sila sa pamamagitan ng salita. Sa huli, gagamitin Niya ang salita upang dalhin ang buong lumang mundo sa katapusan. Doon lamang ganap na matatapos ang plano ng pamamahala. Sa buong Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang gawin ang Kanyang gawain at makamit ang mga bunga ng Kanyang gawain; hindi Siya gumagawa ng kababalaghan o nagsasagawa ng mga himala: ginagawa lamang Niya ang Kanyang mga gawain sa pamamagitan ng salita. Dahil sa salita, ang tao ay pinalulusog at tinutustusan; dahil sa salita, nagtatamo ang tao ng kaalaman at tunay na karanasan.

—mula sa “Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay ang pagkastigo at paghatol, na inihahayag Niya sa lahat ng masama, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto yaong mga tunay na nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay isasaayos ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang likas na katangian. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kahihinatnan ng sangkatauhan at ang kanilang hantungan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para ilantad ang kanilang pagsuway at kasamaan. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kahihinatnan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at buong sangkatauhan ay isasaayos ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kahihinatnan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang mga masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sumasailalim ng kapangyarihan ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, yaong una sa lahat ay pinagsama-sama sa pagkastigo at paghatol, at inihahayag sa mga huling araw, ang lubos na mababago at magagawang ganap ang tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay mapaparusahan nang matindi ang lahat ng makasalanan. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang gayon-gayon lang at nang walang kabuluhan. Kung ang kalalabasan ng tao ay naibunyag sa mga huling araw, naghahandog pa rin ang Diyos sa tao ng walang hanggang awa at pagmamahal, at kapag Siya ay mapagmahal pa rin sa mga tao, at hindi Niya hinahayaang sumailalim ang tao sa matuwid na paghatol, kundi Siya’y nagpapamalas ng pagpaparaya, pagtitiis at pagpapatawad, kapag patuloy pa rin Siyang nagpapatawad sa tao anuman ang matinding kasalanang nagagawa niya, na walang matuwid na paghatol, magwawakas ba ang lahat ng pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang sangkatauhan patungo sa tamang hantungan? Ipagpalagay, halimbawa, ang isang hukom na mapagmahal, mabuti at magiliw. Mahal niya ang mga tao sa kabila ng kanilang mga nagawang kasalanan, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kailan niya makakayang abutin ang makatwirang pasiya? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapag-uuri sa tao at makapagdadala sa kanila sa bagong mundo. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay magwawakas sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.

—mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Pinagmumulan:https://tl.godfootsteps.org/knowing-the-purpose-and-significance.html

Magrekomenda nang higit pa:Bakit Makapangyarihang Diyos ang Pangalang Ginamit ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian?

 

Category: Mga Salita ng na Makapangyarihang Diyos | Views: 172 | Added by: lih400847 | Tags: Ang Katotohana, Mga pagbigkas ng Makapangyarihang D, Salita ng Diyos | Rating: 0.0/0
Total comments: 0
avatar